Benigno S.
Aquino III, Third State of the Nation Address, July 23, 2012
State
of the Nation Address
of
His Excellency Benigno S. Aquino III
President of the Philippines
To the Congress of the Philippines
[Delivered at the Session Hall of the House of Representatives,
Batasan Pambansa Complex, Quezon City, on July 23, 2012]
Maraming salamat po. Maupo po tayong lahat
Senate President Juan Ponce Enrile; Speaker Feliciano Belmonte;
Bise Presidente Jejomar Binay; mga dating Pangulong Fidel Valdez Ramos at
Joseph Ejercito Estrada; ang ating mga kagalang-galang na mahistrado ng Korte
Suprema; mga kagalang-galang na kagawad ng kalipunang diplomatiko; mga
kagalang-galang na miyembro ng Kamara de Representante at ng Senado; mga pinuno
ng pamahalaang lokal; mga miyembro ng ating Gabinete; mga unipormadong kasapi
ng militar at kapulisan; mga kapwa kong nagseserbisyo sa taumbayan; at siyempre
sa akin pong mga boss, magandang hapon po.
Ito po ang aking ikatlong SONA, at parang kailan lang nang
nagsimula tayong mangarap. Parang kailan lang nang sabay-sabay tayong
nagpasyang tahakin ang tuwid na daan. Parang kailan lang nang sinimulan nating
iwaksi ang wang-wang, hindi lamang sa kalsada kundi sa sistemang panlipunan.
Dalawang taon na ang nakalipas mula nang sinabi ninyo, “Sawa na
kami sa korupsyon; sawa na kami sa kahirapan.” Oras na upang ibalik ang isang
pamahalaang tunay na kakampi ng taumbayan.
Gaya ng marami sa inyo, namulat ako sa panggigipit ng
makapangyarihan. Labindalawang-taong gulang po ako nang idineklara ang Batas
Militar. Bumaliktad ang aming mundo: Pitong taon at pitong buwang ipiniit ang
aking ama; tatlong taong napilitang mangibang-bansa ang aking pamilya; naging
saksi ako sa pagdurusa ng marami dahil sa diktadurya. Dito napanday ang aking
prinsipyo: Kung may inaagrabyado’t ninanakawan ng karapatan, siya ang
kakampihan ko. Kung may abusadong mapang-api, siya ang lalabanan ko. Kung may
makita akong mali sa sistema, tungkulin kong itama ito. [Applause]
Matagal nang tapos ang Batas Militar. Tinanong tayo noon: “Kung
hindi tayo, sino pa?” at “Kung hindi ngayon, kailan pa?” Ang nagkakaisang tugon
natin: tayo at ngayon na. Ang demokrasyang ninakaw gamit ang paniniil at
karahasan, nabawi natin sa mapayapang paraan; matagumpay nating pinag-alab ang
liwanag mula sa pinakamadilim na kabanata ng ating kasaysayan.
Ngunit huwag po nating kalimutan ang pinag-ugatan ng Batas
Militar: Kinasangkapan ng diktador ang Saligang Batas upang manatili sa
kapangyarihan. At hanggang ngayon, tuloy pa rin ang banggaan sa pagitan ng
gusto ng sistemang parehas, laban sa mga nagnanais magpatuloy ng panlalamang.
Mula sa unang araw ng ating panunungkulan, walang ibang
sumalubong sa atin kundi ang mga bangungot ng nawalang dekada.
Nariyan po ang kaso ng North Rail. Pagkamahal-mahal na nga nito,
matapos ulitin ang negosasyon, nagmahal pa lalo. Sa kabila nito, binawasan ang
benepisyo. Ang labingsiyam na trainsets naging tatlo, at sa mga estasyon, mula
lima, naging dalawa. Ang masaklap po, pinapabayaran na sa atin ang utang nito,
now na.
Nariyan ang walang pakundangang bonus sa ilang GOCC, sa kabila
ng pagkalugi ng kanilang mga ahensya. Nariyan ang isang bilyong pisong
pinasingaw ng PAGCOR para sa kape. Nariyan ang sistemang pamamahala sa PNP na
isinantabi ang pangangailangan sa armas ng 45 porsiyento ng kapulisan, para
lang kumita mula sa lumang helicopter na binili sa presyong brand new.
Wala na ngang iniwang panggastos, patung-patong at sabay-sabay
pa ang mga utang na kailangang bayaran na. Mahaba ang iniwang listahan na
tungkulin nating punuan: Ang 66,800 na backlog sa classrooms, na nagkakahalaga
ng tinatayang 53.44 billion pesos; ang 2,573,212 na backlog sa mga upuan, na
nagkakahalaga naman ng 2.31 billion pesos. Nang dumating tayo, may halos
tatlumpu’t anim na milyong Pilipinong hindi pa miyembro ng PhilHealth. Ang
kailangan para makasali sila: maaaring umabot sa 42 billion pesos. Idagdag pa
po natin sa lahat ng iyan ang 103 billion pesos na kailangan para sa
modernisasyon ng Hukbong Sandatahan. Sa harap ng lahat ng ito, ang iniwan sa
ating pondo na malaya nating magagamit: 6.5 percent ng kabuuang budget para sa
natitirang anim na buwan ng 2010. Para po tayong boksingerong isinabak sa laban
nang nakagapos na nga ang mga kamay at paa, nakapiring pa ang mga mata, at
kakampi pa ng kalaban ang referee at ang mga judge.
Kaya nga sa unang tatlong buwan ng aming panunungkulan,
inaabangan namin ang pagdating ng Linggo para maidulog sa Panginoon ang mga
bangungot na humaharap sa amin. Inasahan naming mangangailangan ng ‘di bababa
sa dalawang taon bago magkaroon ng makabuluhang pagbabago. Bibigyan kaya tayo
ng sapat na pag-unawa ng taumbayan?
Subalit kung may isang bagay mang nakatatak na sa ating lahi, at
makailang ulit na nating pinatunayan sa buong mundo: Walang hindi makakaya ang
nagkakaisang Pilipino. Nangarap po tayo ng pagbabago; nakamit natin ang
pagbabago; at ngayon, karaniwan na ito. [Applause]
Ang kalsadang pinondohan ninyo ay tuwid, patag, at walang bukol;
ang tanging tongpats ay aspalto o semento. Karaniwan na po ito.
Ang sitwasyon kung paparating ang bagyo: nakaabang na ang
relief, at hindi ang tao ang nag-aabang ng relief. Nag-aabang na ring umalalay
ang rescue services sa taumbayan, at hindi tayo-tayo lang din ang sumasaklolo
sa isa’t isa. Karaniwan na po ito.
Ang wang-wang sa lansangan, galing na lang sa pulis, ambulansya,
o bumbero—hindi sa opisyal ng gobyerno. Karaniwan na rin po ito. Ang gobyernong
dating nang-aabuso, ngayon, tunay na kakampi na ng Pilipino. [Applause]
Nagpatupad po tayo ng reporma: tinanggal ang gastusing hindi
kailangan, hinabol ang mga tiwali, at ipinakita sa mundong open for business
under new management na ang Pilipinas.
Ang dating sick man of Asia, ngayon, punung-puno na ng sigla.
Nang nagkaroon tayo ng positive credit rating action, ang sabi ng iba, tsamba.
Ngayong walo na po sila, tsamba pa rin kaya? [Applause] Sa Philippine Stock
Exchange index, nang una nating nahigitan ang 4,000 na index, may mga nagduda.
Ngayon, sa dami ng all-time high, pati economic managers, nahirapan yata sa
pagbilang, at ako rin po ay nagulat: nakakaapatnapu’t apat na pala tayo, at
bihira nang bumaba sa 5,000 ang index. [Applause] Nito pong first quarter ng
2012, ang GDP growth natin, 6.4 percent; milya-milya ang layo niyan sa mga
prediksyon, at pinakamataas sa buong Southeast Asian region; pangalawa po ito
sa Asya, sunod lang tayo sa Tsina. [Applause] Kung dati po, tayo ang laging
nangungutang, ngayon, hindi po birong tayo na ang nagpapautang. [Applause]
Dati, namamalimos tayo ng investments; ngayon, sila na ang dumadagsa. Ang mga
kumpanyang Hapon, sa isang pagpupulong, ang sabi ay, “Baka gusto n’yo kaming
silipin. Hindi nga kami ang pinakamura, pero una naman kami sa teknolohiya.”
Pati pinuno ng isang bangko sa Inglatera, kamakailan nakikiusap maisali sa
pila.
Sa bawat sulok ng mundo, nagpapakita ng paghanga ang mga
komentarista. Ayon sa Bloomberg Businessweek, and I quote: “Keep an eye on the
Philippines.” Ang Foreign Policy magazine, pati isa sa mga pinuno ng ASEAN 100,
nagsabing maaari daw tayong maging, and I quote, “Asia’s Next Tiger.”
[Applause] Sabi ni Ruchir Sharma, pinuno ng Emerging Market Equities and Global
Macro ng Morgan Stanley, I quote: “The Philippines is no longer a joke.” At
mukha naman pong hindi siya nambobola, dahil tinatayang isang bilyong dolyar
ang ipinasok ng kanyang kumpanya sa atin pong bansa. [Applause] Sana nga po,
ang kaliwa’t kanang paghanga ng taga-ibang bansa, masundan na ng lokal na
tagapagbalita. [Applause]
Sinisiguro po nating umaabot ang kaunlaran sa mas nakakarami.
Alalahanin po natin: Nang mag-umpisa tayo, may 760,357 na kabahayang
benepisyaryo ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program. Tinarget [target] natin
itong paabutin sa 3.1 million sa loob ng dalawang taon. Pebrero pa lang po ng
taong ito, naiparehistro na ang ikatlong milyong kabahayang benepisyaryo ng
Pantawid Pamilya. [Applause] Sa susunod na taon naman, palalawakin pa natin ang
sakop nito sa 3.8 milyong bahay; limang beses po ang laki niyan sa dinatnan
natin.
Pangmatagalan po ang impact ng proyektong ito. Hindi pa kumpleto
ang mga pag-aaral, pero ngayon pa lang, maganda na ang ipinapakita ng numero.
Base sa listahan ng DSWD: May 1,672,977 na mga inang regular nang
nagpapacheck-up. 1,672,814 na mga batang napabakunahan laban sa diarrhea,
polio, tigdas at iba pa. Four point fifty-seven million na estudyanteng hindi
na napipilitang mag-absent dahil sa kahirapan. [Applause]
Sa kalusugan naman po: Nang dumating tayo, animnapu’t dalawang
porsiyento lamang ng mga Pilipino ang naka-enrol sa PhilHealth. Ang masaklap,
hindi pa masiguro kung lahat sila ay kabilang sa mga totoong nangangailangan ng
kalinga ng estado, o buwenas lang na malapit sa politiko. Ngayon po, 85 percent
ng lahat ng mamamayan, miyembro na nito. [Applause] Ang ibig pong sabihin,
23.31 million na Pilipino ang naidagdag sa mga saklaw ng PhilHealth mula nang
bigyan tayo ng mandato. [Applause]
Ang maganda pa rito: ang 5.2 million na pinakamahirap na
kabahayang tinukoy ng National Household Targeting System, buong-buo at
walang-bayad nang makikinabang sa benepisyo ng PhilHealth. [Applause] Dahil po
sa No Balance Billing policy ng Department of Health, ang lunas para sa dengue,
pneumonia, asthma, katarata, gayundin ang pagpapagamot sa mga catastrophic
disease tulad ng breast cancer, prostate cancer, at acute leukemia, makukuha na
nang libre ng mga pinakamahirap nating kababayan. [Applause]
Ito po ang proseso ng pagpapagamot para sa kanila: Papasok ka sa
alinmang ospital ng gobyerno. Ipapakita mo ang iyong PhilHealth card.
Magpapagamot ka. At uuwi kang maginhawa nang walang inilabas ni isang kusing.
Sabi nga po sa isa sa mga briefing na dinaluhan natin, apat sa
sampung Pilipino, hindi man lamang nakakakita ng health professional sa tanang
buhay nila. Sa iba po, mas malaki pa: may nagsasabing anim sa bawat sampung
Pilipino ang pumapanaw nang malayo sa kalinga ng health professional. Anuman
ang ating pagbatayan, hindi po maikakaila: nakakabahala ang bilang ng mga Pilipinong
hindi naaabot ang serbisyong pangkalusugan ng pamahalaan. Tinutugunan na po
natin ito. Mula sa sampung libo noong dumating tayo, umabot na sa 30,801 ang
mga nurse at midwife na ating nai-deploy sa ilalim ng RNHeals Program.
[Applause] Idagdag pa po natin sa kanila ang mahigit labing-isang libong
Community Health Teams na nagsisilbing tulay upang higit na mapatibay ang
ugnayan ng mga doktor at nurse sa komunidad.
At kung dati tutungo lamang ang mga nurse kung saan
makursunadahan ng kanilang hepe, ngayon, dahil sa tamang targeting, kung saan
sila kailangan, doon sila ipinapadala: [applause] sa mga lugar na matagal nang
naiwan sa laylayan ng lipunan. Ipinadala po ang ating mga health professional
sa 1,021 na pook na saklaw ng Pantawid Pamilya, at sa 609 na pinakamahihirap na
lungsod at munisipyo, ayon sa pag-aaral ng National Anti-Poverty Commission.
[Applause]
Dalawang problema po ang natutugunan nito: bukod sa
nagkakatrabaho at nabibigyan ng work experience ang libu-libong nurse at
midwife na dati ay walang mapaglalaanan ng kanilang kaalaman, nagiging
abot-kamay din ang dekalidad na kalinga para sa milyun-milyon nating kababayan.
Subalit hindi pa po tayo makukuntento rito, dahil ang hangad
natin: kalusugang pangkalahatan. Nagsisimula ito, hindi sa mga pagamutan, kundi
sa loob mismo ng kanya-kanya nating tahanan. Ibayong kaalaman, bakuna, at
checkup ang kailangan upang mailayo tayo sa karamdaman. Dagdag pa po diyan ang
pagsisikap nating iwasan ang mga sakit na puwede namang iwasan.
Halimbawa: Nabanggit ko ang mosquito traps kontra dengue noong
nakaraang taon.Alam naman po ninyo, ang mga syantipiko mahigpit sa
pagsisiyasat. Maaga pa para sabihing siguradong-sigurado na tayo, pero
nakaka-engganyo po ang mga paunang resulta nitong programang ito.
Sinubok natin ang bisa ng mosquito traps sa mga lugar kung saan
naitala ang pinakamataas na insidente ng dengue. Sa buong probinsya ng Bukidnon
noong 2010, may 1,216 na kaso. Nang inilagay ang mga mosquito trap noong 2011:
mukhang nakatulong dahil bumaba ito sa tatlumpu’t pito; 97 percent raw po ang
reduction po ito. Sa bayan ng Ballesteros at Claveria sa Cagayan, may 228 na
kaso ng dengue noong 2010. Pagdating ng 2011, walo na lang ang naitala. Sa
Catarman, Northern Samar: 434 na kaso ng dengue noong 2010, naging apat na lang
noong 2011. [Applause]
Panimulang pag-aaral pa lamang po ito. Pero ngayon pa lang,
marapat na yata nating pasalamatan sina Secretary Ike Ona ng DOH at Secretary
Mario Montejo ng DOST, [Applause] Wala naman tayong masyadong umento, [palakpak
ninyo na lang] para naman ganahan silang lalong magsaliksik at mag-ugnayan.
Marami pa po tayong kailangang solusyonan. Nakakabahala ang
mataas pa ring maternal mortality ratio ng bansa. Kaya nga po gumagawa tayo ng
mga hakbang upang tugunan ang pangangailangan sa kalusugan ng kababaihan.
Nais din nating makamit ang Universal Health Care, at magkaroon ng sapat na
kagamitan, pasilidad, at tauhan ang ating mga institusyong pangkalusugan.
Sa pagtugon natin sa mga ito, malaki ang maiaambag ng Sin Tax
Bill. Maipasa na po sana ito sa lalong madaling panahon. [Applause] Mababawasan
na ang bisyo, madadagdagan pa ang pondo para sa kalusugan.
Ano naman kaya ang sasalubong sa kabataan pagpasok sa paaralan?
Sa lilim ng puno pa rin kaya sila unang matututo ng abakada? Nakasalampak pa
rin kaya sila sa sahig habang nakikipag-agawan ng textbook sa kaklase nila?
Matibay po ang pananalig natin kay Secretary Luistro: Bago
matapos ang susunod na taon, ubos na ang minana nating 66,800 na kakulangan sa
silid-aralan. [Applause] Ulitin ko po, next year pa po ‘yan; 40,000 pa lang
this year. Ang minana po nating 2,573,212 na backlog sa upuan, tuluyan na rin
nating matutugunan bago matapos ang 2012. [Applause] Sa taon din pong ito,
masisimot na rin ang 61.7 million na backlog sa textbook upang maabot na, sa
wakas, ang one is to one ratio ng aklat sa mag-aaral. [Applause] Sana nga po,
ngayong paubos na ang backlog sa edukasyon, sikapin nating huwag uling
magka-backlog dahil sa dami ng estudyante. Sa tingin ko po, Responsible
Parenthood ang sagot dito. [Applause]
At para naman po hindi mapag-iwanan ang ating mga State
Universities and Colleges, mayroon tayong panukalang 43.61 percent na pag-angat
sa kanilang budget para sa susunod na taon. [Applause] Paalala lang po: lahat ng
ginagawa natin, may direksyon; may kaakibat na kondisyon ang dagdag-budget na
ito. Kailangang ipatupad ang napagkasunduang SUC Reform Roadmap ng CHED at ng
kaukulang state colleges and universities, upang siguruhing dekalidad ang
magiging produkto ng mga pamantasang pinopondohan ng estado. Kung mataas ang
grado ninyo sa assignment na ito, asahan ninyong dodoblehin din namin ang kayod
para matugunan ang mga natitirang pangangailangan po ninyo. [Applause]
Panay addition po ang nagaganap sa ating budget sa edukasyon.
Isipin po ninyo: ang budget ng DepEd na ipinamana sa atin noong 2010, 177
billion pesos. Ang panukala natin para sa 2013: 292.7 billion pesos. [Applause]
Noong 2010, 21.03 billion pesos ang budget para sa SUCs. Taunan po iyang
dinagdagan upang umabot na sa 37.13 billion pesos na panukala natin para sa
2013. [Applause] Pero sa kabila nito, ngayon pa lang, may nagpaplano nang
magcut-classes para mag-piket sa Mendiola. Ganito po kasimple: ang 292.7 ay mas
malaki sa 177, at ang 37.13 ay mas malaki sa 21.03. Kaya kung may magsasabi pa
ring binawasan natin ang budget ng edukasyon, kukumbinsihin na lang namin ang
inyong mga paaralan na maghandog ng remedial math class para sa inyo. [Laughter
and applause] At sana po, sa mga klaseng iyon, pakiusap po, pasukan naman
ninyo.
Nang maupo tayo, at masimulan ang makabuluhang reporma, minaliit
ng ilan ang pagpapakitang-gilas ng pamahalaan. Kundi raw buwenas, ningas-kugon
lang itong mauupos rin paglaon. May ilan pa rin pong ayaw magretiro sa
paghahasik ng negatibismo; silang mga tikom ang bibig sa good news, at ginawang
industriya na ang kritisismo.
Kung may problema kayo na bago matapos ang taon, bawat bata ay
may sarili nang upuan at aklat, tingnan ninyo sila, mata sa mata, at sabihin
ninyong, “Ayaw kong makapag-aral ka.”
Kung masama ang loob ninyo na ang 5.2 million na pinakamahihirap
na kabahayang Pilipino ay maaari nang pumasok sa ospital nang hindi iniintindi
ang gastos sa pagpapagamot, tingnan ninyo sila ulit, mata sa mata, at sabihin
ninyong, “Ayaw kong gumaling ka.”
Kung nagagalit kayo na may tatlong milyong pamilyang Pilipino
nang tumutungo sa katuparan ng kanilang mga pangarap dahil sa Pantawid Pamilya,
tingnan ninyo sila, mata sa mata, at sabihin ninyong, “Ibabalik ko kayo sa
kawalan ng pag-asa.” [Applause]
Tapos na ang panahon kung kailan choice lang ng makapangyarihan
ang mahalaga. Halimbawa, ang dating namumuno sa TESDA, nagpamudmod ng mga
scholarship voucher; ang problema, wala palang nakalaang pondo para rito.
Natural, tatalbog ang voucher. Ang napala: 2.4 billion pesos ang sinisingil ng
mahigit isanlibong eskwelahan mula sa pamahalaan. Nagpapapogi ang isang tao’t
isang administrasyon; sambayanang Pilipino naman ang pinagbabayad ngayon.
Pumasok si Secretary Joel Villanueva; [applause] hindi siya
nagpasindak sa tila imposibleng pagbabagong dapat ipatupad sa kanyang ahensya.
Sa kabila ng malaking utang na minana ng TESDA, 434,676 na indibidwal pa
rin ang kanilang hinasa sa ilalim ng Training for Work Scholarship Program.
[Applause] Kongkretong tagumpay din po ang hatid ng TESDA Specialista
Technopreneurship Program (mas mahirap pong bigkasin kaysa sa resulta). Biruin
po ninyo: Bawat isa sa 5,240 na sertipikadong Specialistas, kumikita na ngayon
ng 562 pesos kada araw o 11,240 pesos kada buwan. Mas malaki pa po ito sa
minimum wage. [Applause]
Mula sa pagkasanggol, hanggang sa pagkabinata, gumagana na ang
sistema para sa mamamayan. Sinisiguro nating manganganak ng trabaho ang
pagsigla ng ating ekonomiya.
Alalahanin po natin: para tumabla lang, kailangang makalikha
taun-taon ng isang milyong bagong trabaho para sa mga new entrants. Ang
nalikha po natin sa loob ng dalawang taon: halos 3.1 million na bagong trabaho.
[Applause]
Ito po ang dahilan kung bakit pababa nang pababa ang
unemployment rate sa bansa. Nang dumating tayo, eight percent ang unemployment
rate. Naging 7.2 ito noong Abril ng 2011, at bumaba pa lalo sa 6.9 ngayong
taon, sa buwan rin ng Abril. ‘Di po ba makatwirang mangarap na balang araw,
bawat Pilipinong handang magbanat ng buto, may mapapasukang trabaho?
Tingnan na lamang po natin ang BPO sector. Noong taong 2000,
limanlibo katao lang ang naempleyo sa industriyang ito. Fast forward po tayo:
638,000 katao na ang nabibigyang trabaho ng mga BPO, at labing-isang bilyong
dolyar ang ipinasok nito sa ating ekonomiya noong taong 2011. Ang projection
nga po, pagdating ng 2016, kung saan ako po ay magpapaalam na sa inyo, 25
billion dollars na ang maipapasok nito, at makakapag-empleyo ng 1.3 million na
Pilipino. [Applause] Hindi pa po kasama rito ang tinatayang aabot sa 3.2
million na mga taxi driver, barista, mga sari-sari store, karinderya, at marami
pang ibang makikinabang sa mga indirect jobs na malilikha dahil sa BPO
industry.
Malaking bahagi din po ng ating job-generation strategy ang
pagpapatayo ng sapat na imprastruktura. Sa mga nakapagbakasyon na sa Boracay,
nakita na naman ninyo ang bagong-binyag nating terminal sa Caticlan. Nakalatag
na rin po ang plano upang palawakin ang runway nito.
Magkakaroon pa po ‘yan ng mga kapatid: bago matapos ang aking termino,
nakatayo na ang New Bohol Airport sa Panglao, [applause] New Legaspi Airport sa
Daraga, at Laguindingan Airport sa Misamis Oriental. [Applause] Ia-upgrade na
rin po natin ang ating international airports sa Mactan, Puerto Princesa, at
Tacloban. [Applause] Dagdag pa po diyan ang pagpapaganda ng mga airport sa
Butuan, Cotabato, Dipolog, Pagadian, Tawi-Tawi, Southern Leyte, at San Vicente
sa Palawan. [Applause] Kami po sa Tarlac ay maghihintay na lang. [Laughter]
Pang-apat na Pangulo na po akong sasalo sa problema ng NAIA 3.
Hindi lang po eroplano ang nag-take off at nag-landing dito: maging mga
problema’t anomalya, lumapag din. Nagbitiw na po ng salita si Secretary Mar
Roxas: bago tayo magkita sa susunod na SONA, maisasaayos na ang mga structural
defects na minana natin sa NAIA 3. [Applause]
Nitong Hunyo po, nagsimula na ring umusad ang proseso para sa
LRT Line 1 Cavite Extension project, na magpapaluwag sa trapik sa Las Piñas,
Parañaque, at Cavite. [Applause] Dagdag pa diyan, para lalong mapaluwag ang traffic
sa Kamaynilaan at mapabilis ang pagtawid mula North Luzon hanggang South Luzon
Expressway, magkakaroon ng dalawang elevated NLEX–SLEX connector. Matatapos po
ang mga ito sa 2015. [Applause] Magiging one hour and 40 minutes na lang ang
biyaheng Clark papuntang Calamba oras na makumpleto ang mga ito. Bago po tayo
bumaba sa puwesto, nakatayo na rin ang mga dekalidad na terminal sa Taguig,
Quezon City, at Parañaque na paparadahan ng bus biyaheng probinsya, [applause]
upang hindi na sila makisiksik pa sa EDSA.
Nagbago na po ang takbo ng usapan tungkol sa ahensyang dati’y
itinuturing na pugad ng kapalpakan. Naalala ko po dati: Kapag tag-ulan at
umapaw ang Tarlac River, nalulunod ang MacArthur Highway. Tutunawin nito ang
aspalto; magbabaku-bako ang kalsada hanggang sa tuluyan na nga itong mawawala.
Bilang kinatawan noon ng aking distrito, inireklamo ko po ito. Ang tugon ng
DPWH: alam namin ang problema, alam namin ang solusyon, pero wala kaming pera.
Kinailangan ko pong makiusap sa aking mga barangay, at ang sabi ko po sa kanila
ay “Kung hindi natin ito uunahin, walang gagawa nito, at tayo rin ang
mapeperhuwisyo.” Dati, panay ang “hoy, gising!” sa gobyerno, bakit wala daw
kasing ginagawa. Ngayon ang reklamo, “sobra namang trapik, ang dami kasing
ginagawa.” [Laughter and applause] Paalala lang din po: naisasaayos na natin
ang mga kalsadang ito nang hindi nagtataas ng buwis. [Applause]
Bubuo tayo ng mga daanan, hindi ayon sa kickback o kursonada,
pero ayon sa isang malinaw na sistema. Dahil hindi na bara-bara ang paglalagak
natin ng pondo para sa mga proyekto, hindi na ito mapapako sa plano, totoong
kalsada na ang pakikinabangan ng Pilipino. Nang maupo po tayo sa puwesto, 7,239
kilometers sa ating national road network ang hindi pa naisasaayos. 1,569
kilometers na nito ang naipaayos natin sa ilalim ng pamamahala ni Secretary
Babes Singson; [applause] sa 2012—2,275 kilometers pa ang maidadagdag na
natapos na rin po. Pati po ang mga kalsada at kurbadang mapanganib, tinutukoy
at inaayos na gamit ang teknolohiya. Taun-taon po nating bubunuin ito, upang
bago matapos ang aking termino, bawat pulgada ng ating national road network,
maayos na po. Siyempre ‘wag la lang po n’yo dagdagan ang national road network.
Hindi lang kalsada, kundi pati sistema, isinasaayos sa DPWH. Dahil
sa pagsunod sa tamang proseso ng bidding at procurement, 10.6 billion pesos na
ang natipid ng kanilang ahensya mula 2011 hanggang nitong Hunyo. [Applause]
Maging mga kontratista, batid ang positibong bunga ng reporma sa DPWH. Sabi nga
po nila, “ang top 40 na kontratista, fully booked na raw po.”
Sana po hindi maantala ang pagpapatayo natin ng iba pang
imprastraktura para hindi rin mapurnada ang paglago ng ibang industriya.
Kaakibat ng pagpapaunlad ng imprastruktura ang paglago ng
turismo. Isipin po ninyo: Noong 2001, ang tourist arrivals sa ating bansa, 1.8
million. Nang dumating po tayo noong 2010, naglalaro ito sa 3.1 million.
Mantakin po ninyo: sa hinaba-haba ng kanilang administrasyon, ang naidagdag
nilang tourist arrivals, 1.3 million lamang; may ambag pa kaming kalahating
taon diyan. Tayo naman po, Hunyo pa lang ng 2012—2.1 million na turista na ang
napalapag. [Applause] Mas marami pang dadagsa sa peak season bago matapos ang
taon, kaya hindi ako nagdududang maaabot natin ang quota na 4.6 million na
turista para sa 2012. [Applause] Ibig sabihin po: 1.5 million na turista ang
ating maidadagdag. Samakatuwid, sa dalawang taon, mas malaki ang magiging
paglago ng ating tourist arrivals, kumpara sa naidagdag ng pinalitan natin sa
loob ng siyam at kalahating taon. Hindi po tayo nagtataas ng bangko; nagsasabi
lang po tayo ng totoo. [Applause]
Pero hindi nakuntento rito si Secretary Mon Jimenez. Sabi niya,
kung sa Malaysia may bumisitang 24.7 million na turista noong 2011, at kung sa
Thailand naman tinatayang 17 million, sa dinami-rami ng magagandang tanawin sa
ating bansa, hindi naman siguro suntok sa buwan kung mangarap tayong pagdating
ng 2016, sampung milyong turista na ang bibisita sa Pilipinas kada taon.
[Applause] Kung patuloy na magkakaisa ang sambayanang Pilipino, gaya ng
ipinamalas nating hirangin ang Puerto Princesa Underground River bilang isa sa
New Seven Wonders of Nature, walang dudang makakamtan natin ito. Ang pahayag
nga po natin sa daigdig: “It’s more fun in the Philippines.” [Applause] Kahit
wala pang isang taon sa puwesto si Secretary Mon Jimenez, nagagapas na natin
ang positibong bunga ng ating mga naipunlang reporma. Masasabi nga po nating
pagdating sa turismo, “It’s really fun—to have Secretary Mon Jimenez as our
Secretary.” [Applause]
Kung paglago po ang usapan, nasa tuktok ng listahan ang
agrikultura. Kayod-kalabaw po si Secretary Alcala upang makapaghatid ng
mabubuting balita. Dati, para bang ang pinapalago ng mga namumuno sa DA ay ang
utang ng NFA. Twelve billion pesos ang minana nilang utang; ang ipinamana naman
nila sa atin, 177 billion pesos.
Hindi po ba’t noon, pinaniwala tayo na 1.3 million metric tons
ang kakulangan sa bigas, at para tugunan ito, ‘di bababa sa two million metric
tons ang kanilang inangkat noong 2010. Parang unlimited rice sila kung
maka-order ng bigas, pero dahil sobra-sobra, nabubulok lang naman ito sa mga
bodega. Ang 1.3 million metric tons, unang taon pa lang, napababa na natin sa 860,000
metric tons. [Applause] Ngayong taon, 500,000 na lang, kasama pa ang buffer
sakaling abutin tayo ng bagyo. [Applause] Huwag lang po tayong pagsungitan ng
panahon, harinawa, sa susunod na taon ay puwede na tayong mag-export ng bigas.
[Applause]
Ang sabi po ni Secretary Alcala: ang susi dito, makatotohanang
programa sa irigasyon, at masigasig na implementasyon ng certified seeds
program. [Applause] Ang masakit po, hindi bagong kaalaman ito; hindi lang
ipinapatupad. Kung dati pa sila nagtrabaho nang matino, nasaan na kaya tayo
ngayon?
Tingnan rin po natin ang industriya ng niyog at ang cocowater na
dati tinatapon lang, ngayon, napapakinabangan na ng magsasaka. Noong
2009—483,862 liters ng cocowater ang iniluwas natin. Umangat po ito ng
1,807,583 liters noong 2010. Huwag po kayong magugulat: noong 2011: 16,756,498
liters [applause]—puwede ho bang ulitin iyon?—16,756,498 liters ng cocowater
ang in-export ng Pilipinas. Ang coco coir naman, kung dati walang pumapansin,
ngayon may shortage na dahil pinapakyaw ng mga exporter. Hindi natin sasayangin
ang pagkakataong ito: bibili pa tayo ng mga bagong makinang magpoproseso ng
bunot para makuha ang mga hiblang ginagawa mula sa coco coir. Sa susunod na
taon, lalo nating mapapakinabangan ang industriya ng niyog: Naglaan na tayo ng
1.75 billion pesos upang mamuhunan at palaguin ito. [Applause]
Sinimulan po ng aking ina ang Comprehensive Agrarian Reform
Program. Nararapat lamang na matapos ang programang ito sa panahon ng aking
panunungkulan. [Applause]
Isinasaayos na po ang sistema upang mapabilis ang pagpapatupad
ng repormang agraryo. Ginagawa ng pamahalaan ang lahat ng hakbang upang
maipamahagi sa ating magsasaka ang mga lupaing diniligan at pinagyaman ng
kanilang pawis. Subalit mayroon pa rin pong ayaw paawat sa pagtatanim ng mga
balakid. Ang tugon ko sa kanila: susunod tayo sa batas. Ang atas ng batas, ang
atas ng taumbayan, at ang atas ko: Bago ako bumaba sa puwesto, naipamigay na
dapat ang lahat ng lupaing sakop ng CARP. [Applause]
Liwanagin naman po natin ang nangyayari sa sektor ng enerhiya.
Mantakin po ninyo: Dati po, umabot lang ang kawad ng kuryente sa barangay hall,
“energized” na raw ang buong barangay. Kaya ganun na lang kung ipagmalaki
nilang 99.98 percent na raw ng mga barangay sa bansa ang may kuryente. Pati ba
naman sa serbisyong dapat ay matagal nang napapakinabangan ng Pilipino,
nagkakagulangan pa? Kaya nga po, para subukan ang kakayahan ng DOE at NEA,
naglaan tayo ng 1.3 billion pesos para pailawan ang unang target na 1,300
sitios, sa presyong isang milyong piso bawat isa. Nang matapos sila, ang
napailawan sa inilaan nating pondo: 1,520 sitios, at gumastos lamang sila ng
814 million pesos. [Applause] Nagawa nila ito sa loob lamang ng tatlong buwan,
at mas marami pa pong gagawin dito hangga’t matapos ang 36,000 sitios, na
dati’y inaabot ng dalawang taon. Kay Secretary Rene Almendras, bilib talaga ako
sa iyo; parang hindi ka nauubusan ng enerhiya. Sa paghahatid-serbisyo, hindi ka
lang eveready, nagmistulang energizer bunny ka pa—you keep on going, and going,
and going. [Applause]
Nangingibabaw na nga po ang liwanag sa ating bayan—liwanag na
nagsiwalat sa krimeng nagaganap sa madidilim na sulok ng lipunan. Ang
pinagsisikapang kitain ng Pilipino, hindi na magagantso. Patuloy po ang pagbaba
ng crime volume sa buong bansa. Ang mahigit limandaan libong krimen na naitala
noong 2009, mahigit kalahati po ang nabawas: 246,958 na lamang iyan nitong
2011. Dagdag pa rito: ang dating dalawanlibo’t dalawandaang kaso ng carnapping
noong 2010, lampas kalahati rin ang ibinaba: 966 na lang po iyan pagdating ng
2011.
Ito nga po sana ang dalhin ng ating mga headline. Hindi po natin
sinasabing wala nang krimeng nagaganap, pero palagay ko naman po, wala dapat
magalit na nangalahati na ito. Si Raymond Dominguez na matagal nang labas-masok
sa kulungan, hindi ba’t sa loob lamang ng mahigit isang taon, nasentensyahan at
naipakulong na? Ang dalawa pa niyang kapatid ay sinampahan na rin natin ng kaso
at kasalukuyan na ring nakabilanggo. May dalawang suspect sa bus bombing sa
Makati noong nakaraang taon, ang isa po’y pumanaw na; ‘yung isa, humihimas na
ng rehas. Kakosa niya ang mahigit sampung libong sangkot sa ilegal na droga na
inaresto ng PDEA nitong 2011. [Applause]
Alam po nating hindi araw-araw ang laban ni Pacman, at hindi
puwedeng iasa dito ang pagbaba ng krimen. Kaya nga po pinalalakas natin ang
puwersa ng kapulisan. ‘Di po ba, nang dumating tayo, apatnapu’t limang
porsyento ng ating kapulisan ang walang baril at umaasa sa anting-anting habang
tumutugis ng masasamang-loob? [Laughter] May nanalo na po sa bidding, tinitiyak
na lamang nating dekalidad ang kanilang mga produkto. Pagkatapos ng proseso, at
itong taon po nating inaasahan ito, maipagkakaloob na ang 74,600 na baril na
magagamit nila upang ipagtanggol at alagaan ang bayan, lipunan, at sarili.
[Applause]
Dumako naman po tayo sa usapin ng pambansang tanggulan. May mga
nagsabi na po na ang ating Air Force, “all air, at no force.” [Laughter] Imbes
na alagaan ng estado, para bang sinasadyang ilagay sa alanganin ang ating mga
sundalo. Hindi po tayo makakapayag na manatiling ganito.
Makalipas nga lang po ang isang taon at pitong buwan,
nakapaglaan na tayo ng mahigit dalawampu’t walong bilyong piso para sa AFP
Modernization Program. Aabutan na nito ang tatlumpu’t tatlong bilyong pisong pondo
na ipinagkaloob sa nasabing programa sa nakalipas na labinlimang taon.
[Applause] Bumubuwelo pa lang po tayo sa lagay na ‘yan: kapag naipasa na ang
panukala nating AFP modernization bill sa Kongreso, makakapaglaan tayo ng
pitumpu’t limang bilyong piso para sa susunod na limang taon.
Kasado na rin po ang tatlumpung milyong dolyar na pondong kaloob
ng Estados Unidos para sa Defense Capability Upgrade and Sustainment of
Equipment Program ng AFP. Bukod pa po ito sa tulong nila upang pahusayin pa ang
pagmanman sa ating mga baybayin sa ilalim ng itatayong Coast Watch Center ng
Pilipinas.
Nagka-canvass na rin po ang Sandatahang Lakas ng mga kagamitan
tulad ng mga kanyon, armored personnel carrier, at frigates. Hindi magtatagal,
dadaong na ang karelyebo ng BRP Gregorio del Pilar sa ating pampang. Sa Enero,
aangkla na po sa Pilipinas ang BRP Ramon Alcaraz, ang pangalawa nating Hamilton
class cutter. ‘Di na po bangkang papel ang ating ipapalaot; [applause] ngayon
po, mga hi-tech at dekalidad na barko na ang tatanod sa 36,000 kilometers
nating coastline.
Mainam na rin po siguro kung maglilinis-linis na ng mga hangar
ang ating Sandatahang Lakas, dahil darating na ang mga kagamitang lalong
magpapatikas sa ating tanggulan. Sa wakas, may katuwang na po ang kaisa-isa nating
C-130 na tatlumpu’t anim na taon nang rumoronda sa himpapawid: dalawa pang
C-130 ang magiging operational ulit sa taong ito. Bago matapos ang taong ito,
inaasahan nating mai-dedeliver na ang binili nating dalawampu’t isang
refurbished UH-1H Helicopter, apat na combat utility helicopters, mga radyo’t
iba pang communication equipment, rifles, mortars, mobile diagnostic
laboratories, kasama na ang bullet station assembly. [Applause] Pagdating naman
po ng 2013, lalapag na ang sampung attack helicopters, dalawang naval
helicopters, dalawang light lift aircraft, isang frigate, at mga force
protection equipment. [Applause]
At hindi lang po natin sa armas ipinaparamdam ang pagkalinga sa
ating pulis at kasundaluhan. Nabawasan na rin po ang mga pasanin nila sa pamumuhay
dahil sa mahigit dalawampu’t dalawang libong bahay ang naipatayo na sa ilalim
ng AFP–PNP housing program. [Applause]
Hindi po ito tungkol sa pakikipaggirian o pakikipagmatigasan.
Hindi ito tungkol sa pagsisiga-sigaan. Tungkol ito sa pagkamit ng kapayapaan.
Tungkol ito sa kakayahan nating ipagtanggol ang ating sarili—isang bagay na
kaytagal nating inisip na imposible. Tungkol po ito sa buhay ng isang sundalong
araw-araw sumasabak sa peligro; tungkol ito sa pamilya niyang nag-aabang na
makabalik siyang ligtas, ano man ang kanyang makaharap. Hayaan po nating ang
ilang mga benipisyaryo ang magbigay ng kani-kanilang mga kuwento:
[Video]
At ngayon ngang inaaruga na sila ng taumbayan, lalo namang
ginaganahan ang ating kasundaluhan na makamtan ang kapayapaan. Tagumpay pong
maituturing ang dalawandaan at tatlong rebeldeng sumuko at nagbabalik-loob na
sa lipunan, at ang 1,772 na bandidong nawakasan na ang karahasan. Halimbawa po
ang kilabot na teroristang si Doctor Abu, na hindi na makakapaghasik ng
kaniyang lagim. Nagpupugay rin po tayo sa panunumbalik ng katahimikan sa mga
lugar na matagal nang biningi ng putukan. Ang resulta nga po ng bayanihan: 365
na barangay ang naagaw sa kamay ng kaaway, 270 na gusali’t paaralan ang
naipaayos, at 74 health centers ang naipagawa. [Applause]
Kung kapayapaan na lang din po ang usapan, dumako naman tayo sa
lugar na matagal naging mukha ng mga mithiing ‘di makamtan-kamtan. Bago po
magsimula ang mga reporma natin sa ARMM, at alam naman po n’yo, may mga ghost
students doon, na maglalakad sa isang ghost road, tungo sa isang ghost school,
para magpaturo sa isang ghost teacher. Ang mga aparisyon pong gumulantang kay
OIC Governor Mujiv Hataman: [applause] Apat na eskuwelahan na natagpuang may
ghost students; iniimbestigahan na rin ang mga teacher na hindi lumilitaw ang
pangalan sa talaan ng Professional Regulation Commission, gayundin ang mga
tauhan ng gobyernong hindi nakalista sa plantilya. Limampu’t limang ghost entry
ang tinanggal sa payroll. Ang dating paulit-ulit na pagsasaboy ng graba sa
kalsada para lang pagkakitaan ng pera, bawal na. Wala nang cash advance sa mga
ahensya, para maiwasan ang pagsasamantala. Ang mga multo sa voters list,
mapapatahimik na ang kaluluwa. [Applause] Kaya nga po kay OIC Gov. Mujiv
Hataman, ang masasabi natin: talaga namang isa ka nang certified ghost buster.
Ang pumalit po, at pinapalit na: pabahay, tulay, at learning
center para sa mga Badjao sa Basilan. Mga community-based hatchery, lambat,
materyales para maglinang ng seaweeds, at punlang napakinabangan ng 2,588 na
mangingisda. Certified seeds, punla ng gabi, cassava, goma, at mga punong
namumunga para sa 145,121 na magsasaka. Simula pa lang po iyan: nakalaan na ang
183 million pesos para sa mga municipal fishing port projects sa ARMM; 310.4
million pesos para sa mga istasyon ng bumbero; 515 million pesos para sa
malinis na inuming tubig; 551.9 million pesos para sa mga kagamitang
pangkalusugan; 691.9 million pesos para sa daycare centers; at 2.85 billion
pesos para sa mga kalsada at tulay na babagtas sa rehiyon. Ilan lang po iyan sa
patutunguhan ng kabuuang 8.59 billion pesos na ipinagkaloob ng pambansang
gobyerno para isakatuparan ang mga reporma sa ARMM. [Applause] Lilinawin ko rin
po: hindi pa kasama rito ang taunang suportang natatanggap nila, na ngayong
2012 ay umabot sa 11.7 billion pesos. [Applause]
Miski po ang mga dating gustong tumiwalag, nakikita na ang
epekto ng reporma. Kinikilala natin bilang pahiwatig ng kanilang tiwala ang
nakaraang pitong buwan, kung kailan walang nangyaring sagupaan sa pagitan ng
militar at ng MILF. Sa peace process naman po: hayag at lantaran ang usapan;
nagpapamalas ang magkabilang panig ng tiwala sa isa’t isa. Maaaring minsan,
magiging masalimuot ang proseso; signos lang po ito na malapit na nating
makamit ang nag-iisa nating mithiin: Kapayapaan.
Mapayapang pag-uusap rin po ang prinsipyong isinulong natin
upang mabuo ang ating Executive Order ukol sa pagmimina. Ang kaisipan sa likod
ng nabuong consensus: mapakinabangan ang ating likas na yaman upang iangat ang
buhay ng Pilipino, hindi lamang ngayon kundi pati na rin sa susunod na
salinlahi. Hindi natin pipitasin ang ginintuang bunga ng industriyang ito, kung
ang magiging kabayaran ay ang pagkasira ng kalikasan. [Applause]
Ngunit unang hakbang lamang ito. Isipin po ninyo: Noong 2010,
145 billion pesos ang kabuuang halaga na nakuha mula sa pagmimina, subalit 13.4
billion pesos lamang o siyam na porsyento ang napunta sa kaban ng bayan. Ang
likas na yaman, pag-aari ninyo; hindi tayo papayag na balato lang ang mapupunta
sa Pilipino. Umaasa po tayo sa pakikiisa ng Kongreso upang makapagpasa ng batas
na sisigurong napapangalagaan ang kalikasan at matitiyak na makatarungan ang
magiging pakinabang ng publiko at pribadong sektor sa mga biyayang makukuha
natin mula sa industriyang ito. [Applause]
Pag-usapan po natin ang situwasyon sa Disaster Risk Reduction
and Management. Dati, ang gobyernong dapat tumutulong, nanghihingi rin ng
tulong. Ngayon, nasa Pasipiko pa lang ang bagyo, alam na kung saan idedestino
ang ayuda, at may malinaw nang plano upang maiwasan ang peligro.
Tuwing pag-uusapan nga po ang sakuna, lagi kong naaalala ang
nangyari po sa amin sa Tarlac noong minsang bumagyo. Sa lakas ng ulan, bumigay
ang isang dike. Nang nagising ang isang barangay captain, tinangay na ng baha
ang kanyang pamilya at mga kagamitang pangsaka. Buti nga po’t nakaligtas ang
buong mag-anak. Malas lang po ng kalabaw nilang naiwang nakatali sa puno;
nabigti ito sa lakas ng ragasa.
Walang kalaban-laban din po ang marami sa tinamaan ng bagyong
Ondoy, Pepeng, at Sendong. Napakarami pong nasawi sa paghagupit ng mga
delubyong ito. Sa ilalim ng bagong-lunsad na Project NOAH, isinakay natin sa
iisang bangka ang mga inisyatiba kontra-sakuna, at hindi na rin po idinadaan sa
tsamba ang paglilikas sa mga pamilya. Gamit ang teknolohiya, nabibigyan na ng
wastong babala ang Pilipino upang makapaghanda at makaiwas sa disgrasya.
Real-time at direkta na ang pakinabang ng walumpu’t anim na
automated rain gauges at dalawampu’t walong water level monitoring sensors
natin sa iba’t ibang rehiyon. Bago matapos ang 2013, ang target natin:
animnaraang automated rain gauges at apatnaraan at dalawampu’t dalawang water
level sensors. Ipapakabit po natin ang mga ito sa labingwalong pangunahing
river basins sa buong bansa. [Applause]
Isa pa pong pagbabago: Dati, ang mga ahensya’y kanya-kanyang
habulan ng numero, kanya-kanyang agenda, kanya-kanyang pasikatan. Ngayon, ang
kultura sa gobyerno: bayanihan para sa kapakanan ng taumbayan. Convergence po
ang tawag natin dito.
Dati pa naman po naglipana ang mga programa sa tree planting.
Pero matapos magtanim, pababayaan na lang ang mga ito. Kapag nakita ng mga
komunidad na naghahanap din ng kabuhayan, puputulin ang mga ito para gawing
uling.
May solusyon na po rito. Mayroon na pong 128,558 hectares ng
kagubatang naitanim sa buong bansa; bahagi lang po iyan ng kabuuang 1.5 million
na ektaryang matatamnan bago tayo bumaba sa puwesto. [Applause] Nakapaloob po
rito ang mga komunidad na nasa ilalim ng National Convergence Initiative. Ang
proseso: pagkatanim ng puno, makikipag-ugnayan ang DSWD sa mga komunidad.
Kapalit ng conditional cash transfer, aalagaan ang mga puno; mayroon ding mga
magpapalago ng bagong punla sa nursery. 335,078 na po ang mga Pilipinong
nakakakuha ng kabuhayan mula dito.
Sa isa nga pong programa, nakiambag din ang pribadong sektor, na
nagbibigay ng espesyal na binhi ng kape at cacao sa komunidad, at tinuturuan
silang alagaan at siguruhing mataas ang ani. Itinatanim ang kape sa lilim ng
mga puno, na habang nakatayo ay masisigurong hihigop ng baha at tutulong
makaiwas tayo sa pinsala. Ang kumpanyang nagbigay ng binhi, sure buyer na rin
ng ani. Panalo po ang mga komunidad nay may dagdag kita, panalo ang pribadong
sektor, panalo pa ang susunod na salinlahing makikinabang sa matatayog na puno.
[Applause]
Matagal na pong problema ang illegal logging. Mula nga po nang
lumapag ang EO 23, nakasabat na si Mayor Jun Amante ng mahigit anim na milyong
pisong halaga ng troso. Nagpapasalamat tayo sa kanya. Sa Butuan pa lang ito;
paano pa kung magpapakita ng ganitong political will ang lahat ng LGU?
Ang mga trosong nakukumpiska ng DENR, lalapag sa mga komunidad
na naturuan na ng TESDA ng pagkakarpintero. Ang resulta: upuan para sa mga
pampublikong paaralan na hawak naman ng DepEd. Isipin po ninyo: ang dating
pinagmumulan ng pinsala, ngayon, tulay na para sa mas mabuting kinabukasan.
Dati, imposible nga ito: Imposible kung nagbubulag-bulagan ang pamahalaan sa
ilegal na gawain.
Kaya kayong mga walang konsensya; kayong mga paulit-ulit
isinusugal ang buhay ng kapwa Pilipino: maghanda na kayo. Tapos na ang
maliligayang araw po ninyo. [Applause] Sinampolan na natin ang tatlumpu’t apat
na kawani ng DENR, isang PNP provincial director, at pitong chief of police.
Pinagpapaliwanag na rin po natin ang isang Regional Director ng PNP na
nagbingi-bingihan sa aking utos at nagbulag-bulagan sa mga dambuhalang trosong
dumaan sa kanilang tanawin. Kung hindi kayo umayos, isusunod namin kayo.
Magkubli man kayo sa ilalim ng inyong mga padrino, aabutan namin kayo. Isasama
na rin namin ang mga padrino ninyo. [Applause] Kaya bago pa magkasalubong ang
ating landas, ako po’y muling makikiusap, mas maganda sigurong tumino na kayo.
Mula sa sinapupunan, sa pag-aaral at pagtatrabaho, may pagbabago
nang haharap sa Pilipino. At sakaling piliin niyang magserbisyo sa gobyerno,
tuloy pa rin ang pag-aaruga ng estado hanggang sa kanyang pagreretiro.
Tatanawin ng pamahalaan ang kanyang ambag bilang lingkod-bayan, at hindi
ipagdadamot sa kanya ang pensiyong siya rin naman ang nagpuhunan.
Isipin po ninyo, at ako po’y nagulat dito: may mga pensyonado
tayong tumatanggap ng 500 pesos lamang kada buwan. Paano kaya niya ito
pagkakasiyahin sa tubig, kuryente, at pagkain araw-araw? Ang atin pong tugon:
Pagsapit ng bagong taon, hindi na bababa sa limanlibong piso ang matatanggap na
buwanang pensyon ng ating old-age and disability pensioners. [Applause] Masaya
tayong matutugunan natin ang pangangailangan nila ngayon, nang hindi isinusugal
ang kapakanan ng mga pensyonado bukas.
Iba na po talaga ang mukha ng gobyerno. Sumasabay na po sa
pribadong sektor ang ating pasahod para sa entry level. Pero kapag sabay kayong
na-promote ng kaklase mong piniling mag-pribado, nagkakaiwanan na.
Mahahabol din po natin iyan; pero sa ngayon, ang good news natin
sa mga nagtatrabaho sa pamahalaan: Performance-Based Incentives. Dati, miski
palpak ang palakad ng isang ahensya, very satisfactory pa rin ang
pinakamababang rating ng empleyado. Dahil sa pakikisama, nahihirapan ang bisor
na bigyan ng makatarungang rating ang mga tauhan niya. Nakakawawa tuloy ang mga
mahusay magtrabaho; nawawalan sila ng dahilan para galingan dahil parehas lang
naman ang insentibo ng mga tamad at pursigido.
Heto po ang isa lamang sa mga hakbang natin upang tugunan ito.
Simula ngayong taon, magpapatupad tayo ng sistema kung saan ang bonus ay
nakabase sa pagtupad ng mga ahensya sa kanilang mga target para sa taon.
[Applause] Nasa kamay na ng empleyado ang susi sa kanyang pag-angat. Ang
insentibo, maaaring umabot ng tatlumpu’t limang libong piso, depende sa
pagpapakitang-gilas mo sa iyong trabaho. Dagdag pa ito sa across-the-board na
Christmas bonus na matatanggap mo.
Ginagawa natin ito, hindi lamang para itaas ang kumpiyansa at
ipakita ang pagtitiwala natin sa ating mga lingkod-bayan. Higit sa lahat, para
ito sa Pilipinong umaasa sa tapat at mahusay na serbisyo mula sa lingkod-bayan,
at umaasang sila at sila lamang ang itinuturing na boss ng kanilang pamahalaan.
Alam po niyo, sa simula pa lang mayroon nang mga kumuwestiyon sa
sinasabi nating, “Kung walang corrupt, walang mahirap.” Hanggang ngayon mayroon
pa rin pong mangilan-ngilang nagtatanong: nakakain ba ang mabuting pamamahala?
Ang simpleng sagot, “Siyempre.”
Isipin po natin ang ating pinanggalingan: Dati, parang “Wild
West” ang pamumuhunan sa Pilipinas. May peligro na nga ang negosyo, sinagad pa
ang risko dahil sa di tiyak at nakalihim na patakaran. Kakamayan ka nga gamit
ang kanan, kokotongan ka naman na gamit ang kaliwa.
Ngayon, dahil patas na ang laban, at may hayag at hindi
pabagu-bagong mga patakaran, patuloy ang pagtaas ng kumpiyansa sa ating
ekonomiya. Patuloy ang pagpasok ng puhunan; patuloy ang pagdami ng trabaho;
patuloy ang positibong siklo ng pagkonsumo, paglago ng negosyo, at pagdami ng
mamamayang naeempleyo. [Applause]
Dahil maayos ang paggugol ng gobyerno, walang tagas sa sistema.
Dahil maayos ang pangkolekta ng buwis, lumalago ang kaban ng bayan. Bawat
pisong nakokolekta, tiyak ang pupuntahan: Piso itong diretso sa kalsada, piso
para sa bakuna, piso para sa classroom at upuan, piso para sa ating
kinabukasan. [Applause]
Dahil maayos ang paggawa ng tulay, kalsada, at gusali, itinatayo
ang mga ito kung saan kailangan. Maayos ang daanan, mas mabilis ang takbo ng
produkto, serbisyo, at mamamayan.
Dahil maayos ang pamamahala sa agrikultura, tumataas ang
produksyon ng pagkain, at hindi pumapalo ang presyo nito. Stable ang pasahod,
at mas malakas ang pambansang ekonomiya.
Tunay nga po: Ang matatag at malakas na ekonomiyang pinanday ng
mabuting pamamahala ang pinakamabisang kalasag laban sa mga hamon na
kinakaharap ng daigdig. Dalawang taon po nating binaklas ang mga balakid sa
pag-unlad, at ngayon, tayo na lang mismo ang makakapigil sa ating sariling
pag-angat.
Ginawa po natin ang lahat ng ito habang binubuno rin ng bawat
bansa sa iba’t ibang sulok ng daigdig ang kani-kanilang problema’t pagsubok.
Hindi po tayo nag-iisa sa mundo, kaya’t habang tinutugunan natin
ang sarili nating mga suliranin, angkop lamang na bantayan din ang ilang
pangyayaring maaaring makaapekto sa atin.
Naging maugong ang mga kaganapan sa Bajo de Masinloc. May mga
mangingisdang Tsinong pumasok sa ating teritoryo. Nasabat ng barko natin at
nasabad sa kanilang mga barko ang endangered species. Bilang pinuno, kailangan
kong ipatupad ang batas na umiiral sa ating bansa. Sa pagsulong nito,
nagbungguan ang Nine-Dash Line Theory ng mga Tsino, na umaangkin sa halos buong
West Philippine Sea, at ang karapatan natin at ng marami pang ibang bansa,
kasama na ang Tsina, na pinagtibay naman ng United Nations Convention on the
Laws of the Sea.
Ibayong hinahon ang ipinamalas natin. Ang barko ng Hukbong
Dagat, bilang tanda ng ating malinis na hangarin, ay agad nating pinalitan ng
barkong sibilyan. Hindi tayo nakipagsagutan sa mga banat ng kanilang media sa
atin. Hindi naman po siguro kalabisan na hilingin sa kabilang panig na galangin
ang ating karapatan, gaya ng paggalang sa kanilang mga karapatan bilang kapwa
bansang nasa iisang mundong kailangang pagsaluhan.
Mayroon po tayong mga miron na nagsasabing hayaan na lang ang
Bajo de Masinloc; umiwas na lang tayo. Pero kung may pumasok sa inyong bakuran
at sinabing sa kanya na ang kanyang kinatatayuan ay sa kanya na, papayag ba
kayo? Hindi naman po yata tamang ipamigay na lang natin sa iba ang sadyang atin
talaga. [Applause]
Kaya nga po hinihiling ko sa sambayanan ang pakikiisa sa isyung
ito. Iisa lang po dapat ang kumpas natin. Tulungan ninyo akong iparinig sa
kabilang panig ang katuwiran ng ating mga paninindigan.
Hindi po simple ang sitwasyon, at hindi magiging simple ang
solusyon. Magtiwala po kayo: kumokonsulta tayo sa mga eksperto, at sa lahat ng
pinuno ng ating bansa, pati na sa kaalyado natin—gayundin sa mga nasa kabilang
panig ng usaping ito—upang makahanap ng solusyon na katanggap-tanggap sa lahat.
[Applause]
Sa bawat hakbang sa tuwid na daan, nagpunla tayo ng pagbabago.
Ngunit may mangilan-ngilan pa ring pilit na bubunot nito. Habang nagtatalumpati
ako ngayon, may mga nagbubulung-bulungan sa isang silid at hinihimay ang aking
mga sinasabi; naghahanap ng butas na ipambabatikos bukas. Sasabihin nila,
“Salita lang ito, at hindi totoo ang tuwid na landas.” Sila rin po ang
magsasabing hayaan na, magkaisa na; forgive and forget na lang para makausad na
tayo.
Hindi ko po matatanggap ito. Forgive and forget na lang ang
sampung taon na nawala sa atin? Forgive and forget na lang para sa magsasakang
nabaon sa utang dahil sa kakaangkat natin ng bigas, gayong puwede naman palang
pagyamanin sa ating sariling lupa?
Forgive and forget na lang ba para sa pamilya ng isang pulis na
namatay nang walang kalaban-laban, dahil batuta lang ang hawak niya habang
hinahabol ang armadong masasamang-loob?
Forgive and forget na lang ba para sa mga naulila ng limampu’t
pitong biktima ng masaker sa Maguindanao? Maibabalik ba sila ng “forgive and
forget?” [Applause] Forgive and forget ang lahat ng atraso ng mga naglubog sa
atin sa bulok na estado? Forgive and forget para maibalik ang lumang status
quo? Ang tugon ko, “Ang magpatawad, maaari; ang makalimot, hindi.” [Applause]
Kung ang nagkasala ay hindi mananagot, gagarantiyahan mo ang pagpapahirap muli
sa sambayanan.
Ang tunay na pagkakaisa at pagkakasunduan ay magmumula lamang sa
tunay at ganap na katarungan. Katarungan ang tawag sa plunder case na isinampa
laban sa dating pangulo. [Applause] Katarungan na bigyan siya ng pagkakataong
harapin ang mga akusasyon at ipagtanggol ang kanyang sarili. Katarungan ang
nasaksihan natin noong ika-dalawampu’t siyam ng Mayo. Noong araw na iyon,
pinatunayan natin: Posibleng mangibabaw ang katarungan kahit na ang kabangga mo
ay may mataas na katungkulan. [Applause] Noong araw na iyon, may isang Delsa
Flores sa Panabo, Davao del Norte, na nagsabing, “Posible palang iisang batas
lang ang kailangang sundin ng court interpreter na tulad ko, at ng Punong
Mahistrado.” [Applause] Posible palang maging patas ang timbangan;
maaaring isakdal at panagutin miski ang mayaman at makapangyarihan.
Kaya po sa susunod na magiging Punong Mahistrado, malaki ang
inaasahan sa inyo ng sambayanan. Napatunayan na po nating posible ang
imposible; ang trabaho natin ngayon, siguruhing magpapatuloy ang pagbabago
tungo sa tunay na katarungan, matapos man ang ating termino. [Applause]
Marami pong sira sa sistemang kailangan ninyong kumpunihin, at alam kong
hindi magiging madali ito. Alam ko po kung gaano kabigat ang pasanin ng isang
malinaw na mandato; ngunit ito ang atas sa atin ng taumbayan; ito ang
tungkuling ating sinumpaan; ito ang kailangan nating gampanan.
Simple lang ang hangad natin: kung inosente ka, buong-loob kang
haharap sa korte, dahil kampante kang mapapawalang-sala ka. Kung ikaw ang
salarin, anuman ang apelyido mo, o gaano man karami ang titulong nakakabit sa
iyong pangalan, may katiyakan din na pananagutan mo ang ginawa mong kasalanan.
[Applause]
Salamat din po kay Ombudsman Conchita Carpio-Morales, [applause]
sa pagtanggap ng hamon na maging tunay na tanod-bayan. Kung tutuusin, pwede na
niyang tanggihan ang responsibilidad at sabihing, “Retirado na ako, puwede bang
‘yung iba na lang?” Subalit nangibabaw ang kaniyang malasakit sa bayan. Sa
kabila nito, may nagregalo pa rin sa kanya ng granada sa bahay. [Laughter]
Ma’am, may mga darating pa pong pagsubok; baka po paglaon, magaya na kayo sa
akin na tinatawag, sabay-sabay pang tinatawag, na ganid na kapitalista na
komunista din patungong diktador dahil sa masigasig na mga repormang
ipinapatupad natin.
Bilib po ako sa inyong pagpapakitang-gilas at maraming salamat
sa pagiging instrumento ng katarungan, lalo na noong kasagsagan ng impeachment
trial. Salamat din po sa dalawang institusyong bumubuo ng Kongreso: Sa Senado
at Kamara de Representante, na tinimbang ng taumbayan at nakitang sapat na
sapat.
Sa lahat po ng tumulong sa pagpapagana ng mga prosesong
pangkatarungan: Dumaan kayo sa matinding pagsubok, batikos, at agam-agam;
kasama pa ang kaba na kung natalo tayo, kayo ang unang pupuntiryahin ng
kalaban. Pero ‘di kayo natinag. Umasa sa inyo ang Pilipino, at pinatunayan
ninyong tama ang pag-asa sa inyo. Hindi ninyo binigo ang sambayanan; ipinaliwanag
ninyo lalo ang ating kinabukasan. [Applause]
Paalala lang po: hindi natatapos ang laban sa isang tiwaling
opisyal na natanggal sa puwesto, sa isang maanomalyang kontratang napigil
ipatupad, o sa isang opisinang naituwid ang pamamalakad. Kaya naman nananawagan
po tayo sa Kongreso na ipasa ang panukala nating sa pag-amyenda sa Anti-Money
Laundering Act, upang mas mapaigting pa natin ang pagpapanagot sa mga tiwali.
Itong tinatamasa natin ngayon: ang bawat nailawan at iilawan
pang sitio; ang bawat daan, tulay, paliparan, tren, at daungan; ang bawat
kontratang walang bukol; ang kaligtasan at kapayapaan mula lungsod hanggang
nayon; ang pagbalik ng piring sa sistemang pangkatarungan; ang bawat classroom,
upuan, at aklat na napasakamay ng kabataan; ang bawat Pilipinong nahahandugan
ng bagong kinabukasan—ang lahat ng ito, naabot natin sa loob lamang ng dalawang
taon.
Pagtabihin po natin ang dalawang taon na ito, at ang nakaraang
siyam at kalahating taon na ating pinagdusahan. ‘Di po ba’t sumusulong na ang agenda
ng pagbabago? Ang kapareho namin ng adhikain, malamang, kasama namin sa
agendang ito. At kung kontra ka sa amin, siguro kontra ka rin sa ginagawa
namin. Kung kumukontra sila sa agenda ng pagbabago, masasabi ba niyang sila’y
nasa panig ninyo?
Paparating na naman po ang halalan. Kayo po, ang aming mga boss,
ang tangi naming susundan. Ang tanong ko sa inyo, “Boss, saan tayo tatahak?
Tuloy ba ang biyahe natin sa tuwid na landas, o magmamane-obra ba tayo’t
paatras, pabalik sa daan na baluktot at walang patutunguhan?”
Naalala ko pa po noong nagsimula tayo. Mulat na mulat ako sa
bigat ng pasaning sasalubong sa atin. Kabilang ako sa mga nag-isip: Kaya pa
bang ituwid ang ganito kabaluktot na sistema?
Heto po ang aking natutuhan sa dalawampu’t limang buwan ng pagkapinuno:
Walang pong imposible. [Applause] Walang imposible dahil kung nakikita ng
taumbayan na sila ang tanging boss ng kanilang pamahalaan, bubuhatin ka nila,
gagabayan ka nila, sila mismo ang mamumuno tungo sa makabuluhang pagbabago.
Hindi imposible na ang Pilipinas ang maging kauna-unahang bansa sa
Timog-Silangang Asya na magbibigay at nagbibigay ng libreng bakuna laban sa
rotavirus. Hindi imposible para sa Pilipinas na tumindig at sabihing: “Ang
Pilipinas ay sa Pilipino—at handa kaming ipagtanggol ito.” Hindi imposible na
ang Pilipinong kaytagal nang yumuyuko tuwing may nakakasalubong na dayuhan—ang
Pilipino, ngayon, taas-noong tinitingala ng buong mundo. [Applause] Talaga
namang ang sarap maging Pilipino sa mga panahong ito.
Noon pong nakaraang taon, hiniling ko sa taumbayan: Magpasalamat
sa mga nakikiambag sa positibong pagbabago sa lipunan. Hindi po biro ang mga
pagsubok na dinaanan natin, kaya angkop lamang na pasalamatan ang mga taong
nakibalikat, sa pagkukumpuni sa mga maling idinulot ng masamang pamamahala.
Sa lahat ng miyembro ng aking Gabinete: Maraming, maraming
salamat. [Applause] Mapalad po ang sambayanan at may mga tulad ninyong handang
isuko ang pribado at mas tahimik na pamumuhay para maghatid serbisyo-publiko,
kahit pa batid ninyong ang kapalit nito ay mas maliit na sweldo, panganib, at
pambabatikos. Maraming salamat muli.
Huwag din po sana nilang masamain dahil personal ko silang
papangalanan: Kina Father Catalino Arevalo, at Sister Agnes Guillen, na
dumidilig at nagpapalago sa aking buhay spirituwal, lalo na sa mga panahong
sukdulan ang pagsubok sa amin, maraming, maraming salamat din po. [Applause]
Ito po ang aking ikatlong SONA, tatlo na lamang din po ang
natitira. Papasok na po tayo sa kalagitnaan ng ating liderato. Noong nakaraang
taon, ang hamon ko sa inyo: iwaksi ang kultura ng negatibismo; sa bawat
pagkakataon, iangat ang kapwa-Pilipino.
Batid po sa tinatamasa natin ngayon: hindi kayo nabigo. Sa inyo
nagmula ang pagbabago. Ang sabi ninyo: posible.
Humaharap po ako sa inyo bilang mukha ng isang gobyernong kayo
ang boss at kayo pa rin ang lakas. Inuulat ko lamang ang mga pagbabagong ginawa
ninyong posible.
Kaya nga po sa lahat ng nurse, midwife, o doktor na piniling
magsilbi sa mga baryo; sa bawat bagong graduate na piniling magtrabaho sa
gobyerno; sa bawat atletang Pilipinong bitbit ang watawat saan mang panig ng
mundo; sa bawat kawani ng pamahalaan na tapat na nagseserbisyo: Kayo po ang
gumawa ng pagbabago. [Applause]
Sa tuwing haharap ako sa isang ina na nagsasabing, “Salamat at
nabakunahan na ang aking sanggol,” ang tugon ko: Ikaw ang gumawa nito.
Sa tuwing haharap ako sa isang bata na nagsasabing, “Salamat sa
papel at lapis, sa pagkakataong makapag-aral,” ang tugon ko: Kasama ka sa
gumawa nito.
Sa tuwing haharap ako sa isang OFW na nagsasabing, “Salamat at
puwede ko na muling pangaraping tumanda sa Pilipinas,” ang tugon ko: Ikaw ang
gumawa nito.
Sa tuwing haharap ako sa isang Pilipinong nagsasabing, “Salamat,
akala ko hindi na magkakakuryente sa aming sitio. Akala ko hindi ko na aabuting
buhay ang liwanag na ganito,” ang tugon ko: Ikaw ang gumawa nito.
Sa bawat pagkakataon na haharap ako sa isang magsasaka, guro,
piloto, inhinyero, tsuper, ahente sa call center, karaniwang Pilipino; sa bawat
Juan at Juana dela Cruz na nagsasabing “Salamat sa pagbabago,” ang tugon ko sa
inyo: Kayo ang gumawa nito. [Applause]
Inuulit ko po: posible na ang dating imposible. Humaharap po ako
sa inyo ngayon, at sinasabing: hindi ko SONA ito. Kayo ang gumawa nito. SONA ito
ng sambayanang Pilipino. Maraming, maraming salamat po at magandang hapon po sa
lahat. [Applause]
____________________________________________________________________________________________________________
Gusto ko lamang ibahagi ang speech ng ating Pangulong Benigno S. Aquino III. (Taken from www.president.gov.ph)